Alitaptap

Dito lagi ang daan ko pag pauwi bago ang bagyo. Dito, sa nagkikislapang mga ilaw, sa kahabaan ng mga masasaya at maiingay na musika, malalakas na halakhak ng mga tao, at minsa’y nakaririnding busina ng mga sasakyan.

Halu-halong tao ang makikita mo sa Baywalk, sa Roxas Boulevard tuwing gabi. May mga magsing-irog na palakad-lakad na magkahawak ng kamay matapos pagmasdan ang natatanging paglubog ng araw. May mga batang nagniningning ang mga munting mata sa nakabibighaning fountain sa Plaza R. Sulayman, sa harap ng simbahan ng Malate. May mga Amerikano, Aleman, Hapon, Tsino, at iba pang dayuhan na bumibisita dito gabi-gabi. Halu-halong mga tao, halu-halo ding kultura, nguni’t nagkakasundo pagdating sa kasiyahang hatid ng mga nagkikislapang mga ilaw, sa kahabaan ng mga masasaya at maiingay na musika, malalakas na halakhak ng mga tao, at minsa’y nakaririnding busina ng mga sasakyan.

Dito ko rin nakilala si Roy, isang batang tila may labing-isang taong gulang – siya mismo ay hindi sigurado sa kanyang edad nang tanungin ko – may pahabang mukha, lubog at malulungkot na mga mata na nasa katawang halos buto’t balat na. Maitim ang kanyang balat, na halatang gawa ng malupit at matinding sikat ng araw kapag tanghali.

Nagtitinda si Roy ng sampaguita sa tanghali, at ng mga sigarilyo sa gabi. At isang lugar lang ang gusto niyang pinaglalagian: Roxas Boulevard. Ayaw raw niya ng masyadong matao, at masyadong maingay, pero gusto niyang malapit sa Manila Bay kaya siya nandito. Kung anong dahilan, sa huli ko na nalaman.

Nakilala ko siya nang minsang mautusan ako ng aming punong patnugot na kumuha ng mga litrato para sa magasin na sinusulatan ko. Ang tema: urbanidad. Tila isang bombilyang nasindihan ang pagdating ng ideya sa sakin – urbanidad, Maynila, Baywalk.

Napansin ko agad ang isang bata sa unang gabi ng shoot ko dala ang digicam. Marahan ang paglapit niya sa nakatigil na mga pribadong sasakyan, mahinahon ang pagkatok sa bawa’t bintana para mag-alok ng sigarilyo na animo’y wala na siyang natitirang lakas. Napansin ko rin na medyo madalas, muntik na siyang masagasaan ng mga walang pakundangang tsuper pag nagpapalit ang stoplight.

Hindi ko napigilan ang sarili ko, at nilapitan ko siya nang sandali siyang umupo sa tabi ng isang puno sa harap ng simbahan ng Malate.

“Isang Hope nga.” Kaswal kong pagsasalita kahit hindi ako naninigarilyo at paraan ko lang iyon para mapalapit sa kanya.

“Dos.” Maikling sagot niya. Ni hindi niya ako tiningnan sa mata nang iabot niya sa akin ang sigarilyo. Patago ko lang itong tinago sa bulsa ko. Sa malapitang tingin, pansin na pansin ang dumi at libag sa kanyang mukha, leeg, mga kamay at binti. Malaki para sa kanya ang butas na damit na kanyang suot, at malakas ang pakiramdam ko noon na butas din ang tsinelas niya.

“Anong pangalan mo, boy?”

Nagitla siya at inilapat ang kanyang mga mapanuri at nagtatakang mata sa akin, mula ulo hanggang paa. Ako ma’y nagulat sa reaksyon niya. Halos bulong ang boses niya sa pagsambit ng kanyang pangalan.

“Pwede ka bang kunan ng litrato?” nakangiti kong tanong, at itinaas ko ang aking kamera upang makita niya.

Noong umpisa, matindi ang pagtanggi ni Roy sa pakiusap ko pero kinailangan ko lang siyang alukin ng pagkain na sinabing bibilhin ko sa katapat sa restawran upang pumayag siya. Hindi siya umalis sa kinauupuan niya at hindi inalis sa pagtitig ang kanyang malumay na mga mata hangga’t wala ang ipinangako ko.

Pagbalik ko dala ang pagkain, hindi ko na kinailangang sabihing kumain muna siya bago kami magsimula. Para siyang isang tigreng nakakita ng isang kunehong walang muwang. Pero hindi na ako masyadong nagulat nang halos hablutin niya ang supot ng pagkaing dala ko. Habang pinagmamasdan ko siyang kumagat, ngumuya, lumunok, at garapal na magpunas ng bibig paminsan minsan, naisip kong hindi ko na kailangang patagalin ang trabaho ko. Bawa’t anggolo ng kuha ko, bawat pagkislap ng flash, makikita ang pananabik ng isang bata, makikita ang tagal ng panahong inilagi niya nang walang sapat na pagkain. Bawat imaheng nabuo, isang rebelasyon kung gaano kasimple at kahirap ang buhay sa likod ng mga ilaw. Ito, ang naiiwan, ang resulta ng urbanidad, naisip ko. Ni hindi man lang niya pinansin ang pag-ikot ko sa kanya na parang uwak, at pakiramdam ko, ninanakawan ko siya ng isang parte ng kanyang buhay.

Tiningnan ko ulit siyang maigi bago niya tuluyang maubos ang pagkain. Payat, lubog ang pisngi, marungis. Pero sa kanyang mata, napansin ko ang isang maliit na pagbabago. Hindi na ganoon kalungkot tingnan, marahil dala ng pagkain. Napansin ko ring hindi niya ginamit ang mga kubyertos. Kuntento na siya – marahil ay mas masaya pa – sa pagkamay sa kanin, manok, at iba pang ibinigay ko. Tinanong ko siya kung bakit hindi niya ginamit ang mga ito.

“Hindi na, oy. Mas masarap kapag alam mong mainit ang kanin at ulam, kahit nakakapaso, kahit marurumi ang kamay ko. Hindi ko na iniinda ang sakit ngayon eh. Atsaka maaalala ko pa ‘to pag bahaw na ulit ang kinakain ko, o kung meron pa kong kakainin, o kelan pa ulit. Salamat ah. Medyo sumakit ang tiyan ko kasi ngayon lang nakatikim ng ganitong pagkain ang sikmura ko. Kulang pa nga eh, pero ayos na.”

Napangiti ako. At sa huling pindot ko ng aking kamera, nagulat ako nang makita kong nakatingin siya sa lente at bahagyang nakangiti habang tangan pa rin ang nasimot nang lalagyan ng pagkain. Sinundan iyon ng mahabang kwentuhan. Nalaman ko pang ulila siya, tulad ng napakaraming batang nagkalat sa lansangan. Hindi na ako nagulat dito, dahil hindi ko naman siya makikitang gutom at palabuy-laboy kung may mga magulang na umaaruga sa kanya. Nagkwento siya sa buhay na gusto niya paglaki niya, at ito ang tumatak sa isip ko.

“Gusto ko sanang maging seaman. Kasi malawak yung dagat, diba? gusto kong sumakay ng barko, tapos aalamin ko kung anong klaseng buhay meron sa kabilang pampang. Sa isteyts, diba? Nakakasawa na kasi sa lupa, puro bombahan, puro gulo. Diba sa dagat wala naming ganun? Atsaka masyadong maingay dito. Nakakasawa na. Sana maging seaman nga ako.”

Napabuntong hininga ako at napangiti.

Bago ako umuwi, ipinangako kong babalik ako para dalhan siya ng pagkain, at sinabi kong aasahan ko ang muli naming pagkukwentuhan. Ngumiti siya, nagpaalam, at tumakbo palayo hanggang tuluyan na siyang balutin ng kadiliman ng gabi at hindi ko na siya makita.

Pagkatapos ng bagyong si Winnie, nangahas akong bumalik sa Baywalk isang hapon, kahit alam kong sinira ito ng bagyo. Makulimlim noon, malakas ang hangin, at maraming metro aides na nagwawalis at naglilinis ng mga nabasag na tiles at nasirang mga puno. May mga nasawi daw dito, sabi sa balita. Bata, matanda, wala talagang ligtas kapag kalikasan ang nagalit. Nahirapan akong isipin na noong huling punta ko dito, puno ito ng mga nagkikislapang mga ilaw, sa kahabaan ng mga masasaya at maiingay na musika, malalakas na halakhak ng mga tao, at minsa’y nakaririnding busina ng mga sasakyan.

Habang nakaupo ako sa isa sa mga nakahilerang bangko, dumaan si Roy sa isip ko. Nagdala kasi ako ng isang litrato niya, balak kong ibigay sa kanya iyon bilang alaala ng sandali naming pagkakaibigan. Nagpasya akong hanapin siya. Naghintay ako sa tapat ng simbahan ng Malate hanggang abutan na ako ng gabi. Giniginaw ako sa lamig at lakas ng hangin pero naghintay pa rin ako, at baka sumulpot na lang siya bigla nang hindi ko namamalayan. Inabot ako ng ala una ng madaling araw pero wala akong Roy na nakita. Wala akong napansin ni anino niya. Nag-umpisa na akong umuwi pagpatak ng alas dos. Tama na, naisip ko.

Isa lang ang hiling ko habang nasa sasakyan at binabaybay ang Quirino Ave. Sana makakita ako ng isang munting alitaptap na gustong sumuway sa agos ng magulo at maingay na karagatan ng urbanidad. Isang munting alitaptap sa halip na mga nagkikislapang mga ilaw, sa kahabaan ng mga masasaya at maiingay na musika, malalakas na halakhak ng mga tao, at minsa’y nakaririnding busina ng mga sasakyan.

 

 

(original post date: February 26, 2005)

Advertisements

One thought on “Alitaptap

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s