Simula

Ngayong gabi, nakasilip ang mga tala at nakatingin sayo, marahil nag-iisip kung paanong may tumalo sa pagningning nila at heto–

Nakatingin din ako sa mga mata mo, at ikaw sa akin, binibilang ang bawat segundong paparating sa sandaling alam natin at matagal hinintay.

Hintay, wag tayong magmadali. Pabagalin natin ang bawat minuto, kung maaari nga’y habambuhay akong mananatili rito na ikaw lang ang kayakap.

Yakap, mahal. At kumapit nang mahigpit. Malamig ang hangin pero iinit ang gabi sa pagsiklab ng bawat tinginan nating tayo lang ang nakakaalam ng ibig sabihin. Halika, ibulong mo sa akin kung paano mo gustong magsimula.

Hindi natin sasabihin sa kanila, sikreto lang natin to. Ang bawat haplos, bawat pagtuklas sa bago kong paboritong parte ng katawan mo. Bawat paglapat ng balat natin na walang iiwanang puwang para sa kaba. Bawat panandaliang pagbitiw para lang huminga. Bawat bulong na may kasamang pag-ngiti na kahit nakapikit nadarama.

Nararamdaman mo ba? Buong-buo akong sumusuko sa’yo. Lahat ng ingay sa utak ko nilunod na ng bumibilis na pintig ng puso. Handa na akong mahulog paulit-ulit kung ikaw ang sasalo. At handa rin akong tanggapin ang kabuuan mo. Saksi ang mga bituin sa kalangitang nakapaloob sa sarili nating mundo.

Ang mga kamay mo, labi, buhok na magulo at nakahalik sa unan simula pa kanina–binubuo nila ang mundo ko. Wala akong maramdamang iba kundi ligaya. At habang nakapulupot sa isa’t isa–mula katawan hanggang kaluluwa–susubukin nating alamin kung kayang lumikha ng panibagong konstelasyon sa kalawakang binubuo lang nating dalawa. Balewala kung nasaan tayo at ang maliit na espasyong nagbubukod sa atin mula sa napakalaking karagatan ng ibang tao.

At sa wakas nakarating din tayo. Ngayon. Dito.

Ngayong gabi, ililigtas natin ang isa’t isa mula sa kawalan. Tayo ang gagawa ng sarili nating tadhana. At sasabog ang mga tala sa paghabol sa liwanag na tayo lang ang may dala.

Kapit. Nakawala na tayo sa gapos ng pag-aalinlangan. Hindi na tayo hawak ng takot. Dahil ngayong gabi, nakasilip ang mga tala at nakatingin sa atin, naiinggit kung paanong ang pagsasama natin ay tumalo sa kanilang pagningning.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s