Alaala

Alaala

Naaalala mo ba? Yung unang beses na sinabi mong mahal mo ako, kinakabahan tayo pareho. Di mapakali sa pagkakaupo. Dun nagsimula ang ating kwento. Pero simula din ‘yon ng pareho nating pagkatalo.

Dahil dadating yung araw na hindi ko na malalaman ang pagkakaiba ng “mahal kita” sa “sino ka?”

Maguumpisa sa maliliit na bagay ang ating pagkasira. Yung hindi natin mamamalayan. Yung matatawa pa tayo dahil nakalimutan kong Lunes ngayon at akala ko Sabado. Yung mapapailing ka na lang sabay ngingiti kapag napagtanto mong imbes na asukal, asin ang nailagay ko sa kape mo.

Magtatawanan tayo, aakalaing ito yung tipo ng mga kwento na iniipon at ibabahagi balang araw sa ating magiging apo. Hindi mamamalayang unti-unti nang gumuguho ang mundong kay tagal natin binuo.

Bukas, hindi ko na maaalala yung huling limang paskong magkasama tayo. Sa makalawa, susunod na mawawala yung mga gabing wala tayong ginawa kundi tumawa at kumanta. Sa isang linggo, titingin ako sayo na walang bakas ng pagkilala kung anong pangalan mo.

Patawarin mo ako.

Sa iiwan kong kirot. Sa lahat ng gabing magkaaway tayo at hiwalay natulog. Yung papasok ka sa umagang walang imik dahil ayaw mong may masabing hindi maganda. Lahat ng pagbabanta natin ng hiwalayan. Mga nakaligtaan kong anibersaryo–nung sinabi mong wala akong pakialam o kaya siguro hindi lang kita ganun kamahal. Sa mga pagkakataong wala akong ibang dahilan kundi, “nakalimutan ko.”

Napakadaya ng kapalaran. Alam kong pinangako sa isa’t isa na magkasamang tatanda. Pero hindi yata kaya ng Panahong ipagkasya sa habambuhay ang pagmamahal ko sayo, kaya siguro hanggang dito na lang. Kaya baunin mo sana sa iyong pagtanda lahat ng beses na sinabi kong mahal kita.

Dahil dadating yung araw na hindi na mapipigil ng utak ko yung dapat nitong malimutan. Lahat ng taong mahal ko, magiging estranghero. At ikaw. Tayo. Magiging anino na lang ng lumilinaw na kawalan. Ng walang hanggang pagbalik sa simula.

Dadating yung panahon na para kang sinasampal tuwing tatanungin kita kung sino ka. Kung bakit mo ako tinitingnan nang ganyan. Bakit mo kailangan hawakan ang kamay ko? Sino ka ba sa buhay ko?

Dadating yung oras na hindi na kita maaalala. Lahat ng pinagsamahan natin unti-unting mawawala. Isa-isa. Mga litratong pinira-piraso ng pwersadong paglimot.

Kaya bago ko makalimutan kung sino tayo sa isa’t isa. Habang kaya ko pa, sasabihin ko paulit-ulit. Naaalala kita. Naaalala kita. Naaalala kita.

Naaalala mo ba yung unang beses na sinabi mong mahal mo ako? Nagbiro ka pang araw-araw mong ipapaalala ‘to at baka makalimutan ko.

Umaasa akong tutupad ka sa pangako. Kahit na araw-araw unang beses sa pandinig ko lahat ng sasabihin mo.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s