Isang Paanyaya

image

Lilinawin ko lang, hindi ko kailangan ng pagmamahal. Napakarami nang nangako ng pag-ibig sa loob ng ilang minutong kasiyahan. Puro lang sila kasinungalingan.

Ang totoo, nandito tayo sa mundo para ipadama sa isa’t isa kung bakit tayo nabubuhay. At parati nating nalilimutan na isang beses lang tayo nandirito. Kaya hindi na natin kailangan ng mga paikot-ikot na salita.

Ang gusto ko lang sabihin ay, PUTANGINA, napakaganda ng iyong mukha. Nagsasayawan ang mga ilaw sa iyong buhok at hindi ko matandaan ang pangalan mo, pero hindi rin naman iyon mahalaga.

Ang mahalaga lang ay ang umoo ka–sa ngayong gabi, sa mga hiningang nagmamadali, sa pareho nating pagkamangha sa isa’t isa–huwag mong itanggi.

Huwag kang matakot sabihin ang nasa isip mo, hindi ko ituturing ang mga ito na pangako. Alam natin dalawang tungkol lang ito sa gabing ito, at sa musikang tumutugtog, at sa kasabay na paggalaw ng ating mga katawan.

Gusto kong linawin na hindi ako naghahanap ng habambuhay. Pero kung maipapadama mo yun sa loob ng ilang oras, bakit hindi natin subukan?