Multo

Naririnig ko silang kumakatok lahat
Narininig ko ang mga sigaw nila
At pag tumitingin ako sa salamin
Mas natatakot akong
Hindi nakikita sa mukha ko
Ang pagkarindi sa mga boses
At katok ng mga sarili kong multo

May isa sa kanilang ginagamit ang kanyang kamao
Narininig ko ang dagundong nito kasabay ng tibok ng aking puso
Wala siyang sinasabi
Pero ramdam ko na dala niya ang aking pagkaguho

May mga iba namang bumubulong lang
Banayad ang boses nila pero napakalinaw
Ng nais nilang iparating
Na mas maliit ang tingin nila sa akin
At alam nila na konting pilit pa
Na bibigay rin ako
At pakakawalan ko sila

Pero hindi sila dapat makawala

May isa sa kanila, inuuntog lang ang ulo niya
Habang sinasabi paulit-ulit
Na wala akong kwenta

Naririnig ko siya
Sa pinakaloob na parte ng aking tenga
Yung pakiramdam na nakalubog ang ulo ko sa batya
At wala akong ibang naririnig kahit sarili ko
Pero naririnig ko siya

Naririnig ko silang kumakatok
Na para bang ilang siglo na silang nagpipigil
At oras na nila ngayon para lumaya at kumawala
Para maghasik ng lagim sa lahat ng gumawa ng mali sakin
At una sa listahan nila ang pangalan ko para puntiryahin

Walang ibang nakakarinig ng mga katok nila kundi ako
Mahirap itago ang isang bagay na hindi nakikita ng ibang tao
Hindi ko kayang ipaliwanag ang itsura ng mga multong parating nag-iibang anyo.
Tuwing akala kong nakikilala ko na sila, may panibago silang sorpresa

Silang pumapalakpak kapag nakikita akong balisa
Silang humahalakhak tuwing nawawalan ako ng pag-asa
Silang parating kumakatok sa dibdib ko at
Nagmamakaawang palabasin ko

Kaya paano ko sasabihin sa ibang,
“Sandali lang, kailangan ko lang patahimikin ang utak ko.
Kailangan ko lang maramdaman ulit na kontrolado ko pa rin ang emosyon at mga saloobin ko,
Na ako pa rin itong nakikita mo at kumakausap sayo.”?

Hindi ko sila dapat hayaang makawala
Hindi sila dapat makawala

Marami na akong sinubukan
At mga taong tinakbuhan
Sa pag-asang malunod ng mga
Tawa nila ang alingawngaw
Ng mga multong sa isip ko
Napiling manirahan
Para hindi ko na marinig kumatok ang mga ito

Paulit-ulit, gabi-gabi
At tahimik na akong makatulog

Pero minsan
Magsisimula pa lang ang araw ko
O kaya habang naliligo
O nagpapakain ng aso
Tatahimik panandalian ang mundo ko
At bigla na lang may kakalabog
Dito sa dibdib ko
At mag-uumpisa ulit
Na maririnig ko
Kumakatok sila

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s